Monday, October 2, 2017

TATAG NG ISANG SINGLE PARENT!

Ang problema ay mananatiling isang problema kung hahanap ka ng solusyon na magdudulot ng iba pang problema. Ang gulo ‘di ba? Well, iyan ang status ng lipunan natin ngayon.


Napakaraming mga problema na ang naglalabasan ngayon mula sa iba’t-ibang panig ng ating bansa. Mga problemang nangyari na noon at nangyayari pa rin sa ngayon at nananatiling walang mga kongkretong solusyon.

 Ang mga suliraning ito’y kadalasang nagmumula sa loob ng isang tahanan. Nadisgrasyang indibidwal na umuuwing luhaan, awayan ng mag-asawa, hiwalayan na humahantong sa pagtataguyod ng magulang ng mag-isa o ang pagiging SINGLE PARENT.


Mahirap maging isang Ama o Ina ngunit mas mahirap ang magtaguyod ng pamilya ng mag-isa lamang, ito ay ang Single Parenting. Ito ay ang pagkakaroon ng isang pamilya ngunit pagtataguyod dito ng magulang ng mag-isa lamang.

          Ito ang isa sa pinakamalaking problemang kinahaharap ng Pilipinas. Ito’y marahil dahil na rin sa iba’t ibang dahilan gaya ng krimen sa Chastity, Pagkamatay ng Asawa, Separation, Annulment, Abandonment at iba pa.



          Ang single parenting ay isang simbolo at daan na rin sa pagkakaroon ng broken family. Sa Pilipinas tinatayang may halos 14 na milyon ang single parent. Kung ang isang pamilya’y hindi buo ito’y nagdudulot ng hindi magandang epekto sa bawat miyembro nito. 


Pagkakaroon ng epekto sa magulang. Dahil sa pagkakataong ito’y mag-isa na lamang itataguyod ng magulang ang kaniyang pamilya, kailangan niyang mag multi-tasking para sa ikatataguyod ng kaniyang pamilya.  Dahil sa lahat naman ng oras at pagkakataon gaanuman kahirap ang mga bagay ay kaya itong harapin ng mga magulang para magkaroon pa sila ng mas masaya at mas maayos na pamilya.

Epekto sa anak. Dito’y mahihirapang mag-adjust ang mga anak sa pagkakaroon ng ‘di buong pamilya. Lalo na ‘pag bata pa ang anak dahil ito’y naghahanap pa ng aruga at pagmamahal mula sa kaniyang ama at ina. Ito ang isa sa mahirap na bagay na solusyunan ng isang magulang, dahil napakahirap bigyan ang isang anak ng isang taong tunay na magmamahal at magaaruga dito ng walang kapalit.



Huli ito’y may malaking epekto sa gawi ng pamumuhay ng lahat. Dahil ang pagkakaroon ng isang pamilya’y parang isang hugis na tatsulok na kapag nawala ang isang parte o bahagi nito’y maaaring mauga at magbago ang itsura, kaya’t upang muling mabalanse ay kailangang gumawa ng panibagong hugis at itsura.

Sa isang pamilya kailangan na ang bawat bagay ay pantay-pantay, sapagkat pagtutulungan, pagbibigayan at pagmamahalan ang daan upang mas maging matatag ito.


          Ngunit hindi naman sa lahat ng pagkakataon masama ang naidudulot nito. Mula sa masamang epekto nito’y maaari tayong makakuha ng magandang epekto at aral mula rito. Ito rin ang siyang maaaring maging daan sa mas magagandang samahang maaaring mabuo sa loob ng isang tahanan.


Hindi sa lahat ng pagkakataon kakulangan ang maaaring magdala at magdulot ng problema sa buhay ng tao. Hindi sa lahat ito ang nagiging daan upang masira ang isang bagay.

Dahil maraming mga ibang bahagi pa ang maaaring bumuo rito na siyang mas magpa unlad dito.
Lahat ng bagay basta magulang ang haharap ay kakayanin niya iyan. Basta’t may suporta mula sa kaniyang mga anak at lalo na ng pagmamahal. Dahil sa lahat ng bagay kung sama sama kayong lulutas ng problema ito’y siguradong mapagtatagumpayan.


ANG PAMILYANG SAMA SAMA SA PAGHARAP SA LABAN AY UMUUWING LAGING WINNER!